Naglabas ng isang fatwa o opisyal na pahayag si Bangsamoro Grand Mufti Abdulraof Guialani, sa pamamagitan ng Bangsamoro Darul-Ifta’ (BDI), noong Abril 11 ukol sa pamantayan ng Islam sa pagpili ng mga karapat-dapat na kandidato sa eleksyon, batay sa turo ng Banal na Qur’an at Sunnah ni Propeta Muhammad (SAW).
Binigyang-diin sa Fatwa No. 03, na inilabas ng pinakamataas na tagapayo sa Islam sa rehiyon, ang kahalagahan ng moralidad, katalinuhan, at kakayahan sa pamumuno sa pagpili ng mga mamumuno, anuman ang posisyon.
Binuo ang nasabing fatwa sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at talakayan ng mga iskolar ng Islam sa pamumuno ni Mufti Guialani.
Ayon sa Mufti, “Mahalaga ang pagsunod sa mga turo ng Qur’an at Sunnah dahil ito ang pundasyon ng isang makatarungan at mahabaging lipunan.”
Nanawagan ang BDI sa mga botante at kandidato na pagnilayan ang mga pamantayang ito habang papalapit ang eleksyon upang maisulong ang hustisya, malasakit, at Moral Governance.
Pinaalalahanan din ng fatwa ang publiko: “Sa pagpili ng ating mga lider, dapat nating sundin ang mga gabay ng Qur’an at Sunnah upang makabuo ng mas maayos na komunidad.”
Bahagi ang paglalabas ng fatwa ng patuloy na pagsisikap ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gawing ayon sa Islam ang kanilang pamamahala.