Hindi tumitigil ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament sa pagsulong ng mga makabuluhang panukala at resolusyon na layuning tugunan ang iba’t ibang isyu sa rehiyon.
Kabilang sa mga prayoridad na tinatalakay ay ang pagsasagawa ng malawakang impormasyon ukol sa pagbabawal sa pagpapakalat ng bomb threat hoaxes, alinsunod sa Presidential Decree No. 1727. Layunin nitong mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga komunidad.
Isinusulong din ng mga mambabatas ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang protektahan ang mga mag-aaral laban sa karahasan at diskriminasyon.
Bilang pagkilala sa kasaysayan ng pakikibaka, inihain din ang panukalang magtatayo ng isang Mujahideen Memorial Wall upang alalahanin ang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa adhikaing Bangsamoro.
Bukod dito, isinusulong din ang pagtatatag ng isang Bangsamoro Center for Children with Autism Spectrum Disorder (ASD) na magbibigay ng angkop na serbisyong medikal at pang-edukasyon para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.
Sa sektor ng kalusugan, tinatalakay na rin sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas para sa pag-upgrade ng Datu Alawaddin T. Bandon, Sr. Memorial Hospital sa Sibutu, Tawi-Tawi mula 10-bed capacity patungong 25-bed general hospital upang matugunan ang lumalaking pangangailangang medikal ng mga residente.