Naghain ng dalawang mahahalagang panukalang batas ang Bangsamoro Parliament upang muling maipamahagi ang pitong upuan na dating nakalaan para sa lalawigan ng Sulu, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na hindi ito kabilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Layon ng mga panukala na mabuo ang 80-kataong Parliament bago ang kauna-unahang halalan sa Oktubre 2025.
Ayon kay BARMM Comelec Director Ray Sumalipao, kinakailangang manggaling sa Parliament ang redistricting alinsunod sa Bangsamoro Organic Law (BOL). Aniya, mas mainam kung maipapasa ito agad upang mapaghandaan ng Comelec, lalo na sa pag-imprenta ng mga balota.
Binanggit ni Chief Minister Abdulraof Macacua na ang realokasyon ay hindi lamang usaping legal kundi moral na obligasyon upang mapanatili ang demokratikong representasyon.
Ang Parliament Bill No. 351 mula sa Government of the Day ay nagmumungkahi ng sumusunod na alokasyon:
- Basilan – 4
- Lanao del Sur – 9
- Maguindanao del Norte – 5
- Maguindanao del Sur – 5
- Tawi-Tawi – 4
- Cotabato City – 3
- Special Geographic Area (SGA) – 2
Samantala, ang Parliament Bill No. 347 na inihain ng siyam na independent MPs ay may kaunting pagkakaiba, gaya ng pagbibigay ng karagdagang upuan sa Lanao del Sur (10 seats) at pagbawas sa SGA (1 seat).
Paliwanag ni Floor Leader Sha Elijah Dumama-Alba, isinasaalang-alang sa panukala ang populasyon at sukat ng lupa para sa patas na representasyon, at dadaan ito sa konsultasyon at deliberasyon bago pagtibayin.
Ang kasalukuyang bilang ng mga miyembro ng Parliament ay nasa 73 lamang, dahil sa pagkawala ng Sulu sa BARMM. Target ng mga panukala na punan ito upang maisakatuparan ang ganap na halalan sa Oktubre.
Tiniyak naman ni Speaker Pangalian Balindong na walang boses ang maiiwan. Aniya, ang halalan ngayong Oktubre ang magsisilbing simula ng tunay na parliamentary government sa rehiyon.