Mahigit apat (4) na milyong Bangsamoro sa buong rehiyon ang inaasahang makikinabang sa inilunsad na Bangsamoro Social Protection Plan (BSP) 2024-2028 ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinangunahan ito ng Ministry of Social Services and Development (MSSD-BARMM), katuwang ang Australian Government at United Nations Children’s Fund (UNICEF), upang suportahan ang mahihirap na pamilya, mga bata, at Persons with Disabilities (PWDs) sa rehiyon.
Sa ilalim ng programang ito, target na mabawasan ang antas ng kahirapan sa Bangsamoro at mapabilis ang akses sa mga pangunahing serbisyo, kabilang ang ayuda, pinansyal na suporta, pangkalusugan, at pangkabuhayan.
Isa rin sa mga pangunahing layunin nito ang palakasin ang social protection system sa rehiyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na tulong sa mga nangangailangan.
Kasama sa BSP ang pagpapatibay ng financial assistance programs, pagpapalawak ng digital payment systems upang gawing mas mabilis at mas ligtas ang transaksyon ng ayuda, at pagpapalawak ng social insurance coverage para sa impormal na sektor, kabilang ang mga manggagawang hindi sakop ng pormal na benepisyo.
Bukod dito, magbibigay rin ng suporta ang programa sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, sigalot, at iba pang krisis, upang matiyak ang kanilang agarang pagbangon.
Ayon sa mga opisyal ng BARMM, isa itong mahalagang hakbang patungo sa mas inklusibo at mas epektibong social protection system sa rehiyon, na magsisilbing gabay sa pagpapabuti ng kabuhayan at kapakanan ng mga Bangsamoro sa susunod na limang taon.