May hawak nang impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa posibleng kinaroroonan ng dating hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, lumalabas sa kanilang datos na pansamantalang nagkukubli si Bantag sa lalawigan ng Kalinga at sinasabing may proteksyon mula sa kanyang kinabibilangang tribu.
Dahil dito, aminado ang mga awtoridad na doble ang kanilang pag-iingat sa ikinakasa nilang operasyon. Paliwanag ni Catapang, maaaring magdulot ng seryosong banta sa seguridad ang agarang pag-aresto, lalo na’t kilala ang matibay na pagkakaisa ng mga tribu sa lugar—mali man o tama ang isang miyembro, handa itong ipagtanggol ng kanilang komunidad.
Upang maiwasan ang posibleng madugong engkuwentro, mas pinipiling maghintay ng tamang pagkakataon ang mga awtoridad at target na isagawa ang pag-aresto sa mas liblib o hiwalay na lugar kung saan mas kontrolado ang sitwasyon.
Matatandaang si Bantag ay iniuugnay bilang utak sa likod ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid noong 2022. Sa imbestigasyon, itinuro ng nahuling gunman ang isang bilanggo na si Jun Villamor bilang tagapamagitan sa krimen.
Gayunman, makalipas lamang ang ilang araw, natagpuan ding patay si Villamor sa loob ng New Bilibid Prison—isang insidenteng lalong nagpalalim sa kaso at sa mga katanungang bumabalot dito.

















