Inihain na sa Bangsamoro Transition Authority Parliament ang Panukalang Batas Blg. 379 na layong magbigay ng one-time death at permanent disability benefits para sa mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials sa loob ng rehiyon ng Bangsamoro.

Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Minister of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo, ipinaliwanag nitong ang panukala ay pagkilala sa dedikasyon at sakripisyo ng mga opisyales sa mga barangay, lalo na sa panahon ng kagipitan at emerhensiya.

Layon ng panukala na dagdagan ng Bangsamoro Government ang kasalukuyang benepisyo na nagkakahalaga ng P20,000 sa pamamagitan ng inobatibong paraan tulad ng pagbuo ng financing system o pagkuha ng bulk insurance coverage mula sa isang insurance provider upang mas mapalaki ang benepisyong matatanggap ng mga kwalipikadong opisyales.

Tinatayang aabot sa higit 23,000 ang mga barangay at SK officials sa BARMM na makikinabang sakaling maipasa ang nasabing batas.

Naniniwala si MP Sinarimbo na malaking tulong ito sa pagtaas ng moral ng mga lingkod-barangay at sa pagpapalakas ng kanilang kakayahang tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.