Malubhang nasugatan si Edgar Ortega Apas, Sr., isang barangay kagawad mula Laperian, Tukuran, Zamboanga del Sur, matapos tambangan nitong umaga ng Linggo, Abril 27, 2025.
Batay sa paunang ulat ng mga kapwa opisyal ng barangay, sakay umano ng tricycle si Apas nang pagbabarilin siya ng isang lalaking nag-abang sa gilid ng kalsada sa isang liblib na bahagi ng lugar.
Agad siyang isinugod sa ospital ng mga barangay emergency responders at mga pulis na rumesponde sa insidente.
Ayon sa mga opisyal ng Tukuran, kritikal ang kalagayan ni Apas dahil sa matitinding tama ng bala.
Patuloy naman ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at ang mga responsable sa pananambang.