Sugatan ang isang opisyal ng barangay mula sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Ladtingan, bayan ng Pikit, Cotabato, ngayong umaga.

Kinilala ang biktima na si Ricky Mutalib, isang kagawad ng Barangay Balong, Tugunan, SGA.

Matapos ang insidente, agad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng agarang lunas.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ang motibo ng pamamaril, at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng krimen.

Samantala, patuloy na nananawagan ang mga residente ng mas pinaigting na seguridad sa kanilang lugar, lalo na’t hindi ito ang unang pagkakataon na may naganap na karahasan sa Pikit.

Umaasa ang mga kaanak at kasamahan ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang insidente at mahuhuli ang may kagagawan sa lalong madaling panahon.