Sugatan ang isang barangay kagawad matapos makipagbarilan sa mga pulis sa ikinasang drug buy-bust operation sa Brgy. Ampao, Bacolod-Kalawi, Lanao del Sur pasado alas-3:00 ng hapon kahapon

Kinilala ni PNP-BARMM Spokesperson Lt. Col. Jopy Ventura ang suspek na si Anoar Dedaagon Sumbi, 36-anyos, kagawad ng Brgy. Sugod, Bacolod-Kalawi. Nakatakas naman ang kasamahan nitong si Khalid Dimnatang Gubat, isang CAFGU member at residente rin ng lugar

Ayon sa pulisya, nagsimula ang engkuwentro nang mabuking ng mga suspek na awtoridad ang kanilang katransaksyon. Tinamaan si Sumbi at agad naaresto, habang mabilis na tumakas si Gubat

Sa operasyon na pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit ng PNP-BARMM kasama ang Bacolod-Kalawi PNP, SAF at iba pang yunit, nakumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P2.7 milyon, isang Norinco pistol, at mga bala

Kasulukuyang ginagamot sa ospital si Sumbi at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.