Binawian ng buhay ang isang barangay treasurer matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Tawagon, Purok 6, Barangay Kibudtungan, Carmen, Cotabato nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ng Carmen Municipal Police Station ang biktima na si Norodin G. Sapal, 50 anyos, barangay treasurer ng Barangay Palanggalan. Ayon sa imbestigasyon, nakaupo umano si Sapal sa labas ng kanyang bahay nang lapitan ng dalawang armadong lalaki at paulit-ulit na paputukan.

Agad na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril. Samantala, mabilis namang isinugod ng mga residente at rescuers ang biktima sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit ng mga salarin.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. Kabilang sa mga isinasagawa ngayon ang pagkuha ng CCTV footage at panayam sa mga saksi na maaaring magbigay-linaw sa insidente.

Ayon sa pulisya, tumanggi sa post-mortem examination ang pamilya ng biktima alinsunod sa Islamic tradition na nag-aatas na mailibing ang labi sa loob ng 24 oras matapos ang kamatayan.

Sa ngayon, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan upang agad na mapanagot ang mga responsable sa krimen. Nagluluksa rin ang pamilya ni Sapal, na kilala umano sa kanilang lugar bilang isang aktibong sports enthusiast at manlalaro ng basketball.