Arestado ang limang lalaki matapos mahulihan ng baril, mga bala, at hinihinalang kagamitang may kaugnayan sa ilegal na droga sa isang checkpoint operation sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, bandang 1:30 ng hapon nitong Hunyo 12, 2025.

Kinilala ang mga suspek na sina Saber, 34; Rasol, 30; Kenjie, 45; Manot, 48; at Gapor, 38 — pawang mga magsasaka at pawang residente ng lugar.

Ayon sa ulat ng Shariff Aguak Municipal Police Station, nagsagawa ng joint checkpoint operation ang kanilang mga tauhan katuwang ang mga elemento ng Alpha Company ng 90th Infantry Battalion sa national highway ng naturang barangay.

Isang mini van na walang plaka ang pinara ng mga awtoridad. Sa inspeksyon, tumambad sa mga pulis ang isang hindi pa matukoy na uri ng baril na nakalantad sa loob ng sasakyan.

Nang hingan ng dokumento, bigo ang mga sakay ng van na magpakita ng anumang papeles hinggil sa nasabing armas, dahilan upang sila’y agad na arestuhin.

Nasamsam sa operasyon ang isang M16 rifle na may lamang 27 bala, isang long knife, isang war belt na may nakakabit na posas, tatlong analog na Nokia cellphone, isang Samsung analog cellphone, isang Nokia touchscreen cellphone, isang Lava cellphone, isang Tecno Spark cellphone, tatlong pitaka na may mga ID, tatlong hinihinalang drug paraphernalia (improvised tooter), apat na lighter, isang backpack, dalawang sling bag, at isang pocket WiFi.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Shariff Aguak MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.