Nauwi sa trahedya ang biyahe ng MV Trisha Kerstin 3 matapos itong lumubog sa karagatan ng Baluk-Baluk, Hadji Muhtamad o Pilas Island sa Basilan, nitong ika-dalawampu’t anim ng Enero.
Bandang alas-dose singkwenta ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang patungo ang barko sa Jolo, Sulu mula sa Zamboanga City.
Ayon sa ulat, nakapagpadala pa ng distress call ang mga crew bandang ala-una ng madaling araw matapos makaranas ng seryosong problemang teknikal ang humigit-kumulang apatnapu’t pitong metrong barko, bago ito tuluyang lumubog.
Matapos makumpirma ang huling koordinasyon ng sasakyang pandagat, agad na nagpakalat ng mga responder at volunteer ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Basilan Governor Hadjiman Salliman, katuwang ang Philippine Coast Guard.
Tumulong din sa search and rescue operations ang mga lokal na mangingisda upang mapabilis ang paghahanap sa mga biktima.
May ilang pasahero na ang nailigtas, ngunit patuloy pa rin ang operasyon para sa iba pang sakay ng barko.
Ayon sa mga awtoridad, nakikipag-unahan sila sa oras at sa lakas ng agos ng dagat upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng maaaring mailigtas.

















