Inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong araw, batay sa pinakahuling ulat ng panahon na inilabas alas-5 ng madaling araw.

Ayon sa ulat, patuloy na umiiral ang Localized Thunderstorms sa Mindanao na siyang pangunahing dahilan ng pabago-bagong lagay ng panahon sa rehiyon.

Kasabay nito, namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang isang tropikal na bagyong tinawag na Bagyong Sinlaku (2604), na huling namataan sa layong 2,725 kilometro silangan ng hilagang-silangang Mindanao.

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro kada oras, na may pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras, at kumikilos pakanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Sa kasalukuyan, wala pa itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa, ngunit patuloy itong binabantayan ng mga kinauukulan.

Nagpaalala ang PAGASA sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng malalakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.