Pinalakas ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM) ang sistema ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), partikular sa Schools Division Office ng Maguindanao del Sur, sa pamamagitan ng sabayang mass signing of appointments at oath-taking ceremonies para sa 626 teaching, non-teaching, at teaching-related personnel. Isinagawa ang aktibidad noong Marso 20 sa Cotabato State University Gymnasium sa lungsod ng Cotabato.
Sa naturang bilang, 578 ang bagong Teacher I, 39 ang na-promote, at 9 ang kabilang sa non-teaching staff. Dalawa ring personnel ang naitalaga sa punong tanggapan ng MBHTE.
Ang lahat ng kawani ay dumaan sa masusing proseso ng Human Resource Merit Promotion and Selection Board ng ahensya, bilang bahagi ng layunin ng MBHTE na maghatid ng dekalidad at inklusibong edukasyon para sa mga kabataang Bangsamoro.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal ang mahalagang papel ng mga bagong kawani sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan at sa patuloy na pagpapaunlad ng edukasyon sa rehiyon.