Nagbahagi ng pananaw si MILF Peace Implementing Panel Chair at kasalukuyang MBHTE Minister Mohagher Iqbal sa kanyang Facebook post hinggil sa posibilidad ng iskedyul ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Iqbal, may dalawang senaryo hinggil dito: Una, posibleng maisagawa ang halalan sa BARMM sa o bago ang Marso 31, 2026 kung maipapasa ang isang bagong batas ukol sa redistricting. Pangalawa, maaaring hindi ito maisakatuparan sa susunod na taon at maurong sa Mayo 2028 dahil sa iba’t ibang dahilan.
Dagdag pa niya, batay sa kanyang “gut feeling,” tila bahagi umano ng mas malawak na “grand design” ang mga nagaganap na usapin upang masiguro ang kontrol at panalo sa 2028 elections. Hindi rin umano malayong magkaroon ng panibagong batas na isusulong sa Kongreso upang muling i-reset at i-synchronize ang BARMM elections kasabay ng pambansa at lokal na halalan sa 2028.
Hinimok ni Iqbal ang publiko na maging mapanuri at bantayan ang mga susunod na kaganapan kaugnay ng halalan sa rehiyon.