Nakapagtala ng kasaysayan ang BARMM o ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos na opisyal na ideklara ng Department of Health bilang Lympathic Filariasis Free.Ang BARMM ang kaunaunahang rehiyon na nakakuha ng nasabing deklarasyon sa buong bansa.

Idineklara lamang kahapon nina DOH Secretary Dr. Ted Herbosa at ni Disease Prevention and Control Bureau Director Anna Marie Celina Garfin ang tatlong probinsya sa rehiyon na kinabibilangan ng Basilan kasama na ang Lamitan City, Maguindanao at Sulu bilang ganap na ligtas at wala nang tala ng naturang sakit.

Ayon naman kay Minister of Health Dr. Kadil Sinolinding Jr, ang deklarasyon na ito ay bunga ng 13 taon na pagtutulungan ng mga manggagawa ng kalusugan, mga lokal na pamahalaan at mga katuwang.

Dagdag pa ng ministro, mahalaga aniya na mapanatili ng rehiyon ang ZERO case ng sakit na filariasis.

Bukod sa parangal, nakatanggap din ng papuri sa World Health Organization ang ginawang sakripisyo ng mga kumunidad na lumahok sa pagsusuri at programa laban sa kakaibang uri ng sakit na Filariasis.

Ginawaran naman ng MOH BARMM ang mga awardees ng insentibong 100,000 para sa bawat probinsya at 50,000 naman para sa siyudad ng Lamitan.

Nagsilbi rin aniya na huwaran sa buong bansa ang BARMM matapos na ipakita nito na sa pamamagitan ng mass drug administration, surveillance at disability prevention at malawakang edukasyong pangkalusugan, posibleng malabanan ng ganap ang sakit na Filariasis.