Agad na kumikilos ang Bangsamoro Government para harapin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Sa bisa ng Executive Order No. 3, Series of 2026, nilikha ni Chief Minister Abdulraof Macacua ang Bangsamoro Oil Crisis Impact Task Force (BOCITF) upang pangunahan ang whole-of-government response laban sa oil crisis.
Ayon sa EO, layunin nitong pangalagaan ang sektor ng transportasyon, pagkain, at kuryente, at protektahan ang mga pinaka-nanganganib na sektor mula sa epekto ng tumataas na presyo ng langis. Kasabay ito ng direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng EO No. 110, na nagdeklara ng State of National Energy Emergency sa bansa.
Ang task force ay mangunguna sa pagsusuri sa epekto ng oil price volatility, pag-monitor ng galaw ng presyo, at pagbibigay ng mga rekomendasyon tulad ng fuel conservation measures, targeted subsidies, at social protection programs. Sila rin ang magbibigay ng mungkahi sa mga polisiya sa fuel importation at kung kinakailangan, magrekomenda ng regional state of emergency.
Ang READi office ng BARMM ang magsisilbing technical support at secretariat ng task force, habang tiniyak ng gobyerno ang agarang aksyon upang mapanatili ang ekonomiya at serbisyo publiko sa kabila ng global oil supply tension at geopolitical pressures.
Layunin ng hakbang na ito ang “Mas Matatag na Bangsamoro”, kung saan ang rehiyon ay handa at protektado laban sa external shocks na nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.

















