Idineklara ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco na “handa na para sa turismo” ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ginanap na unang BARMM Tourism Summit noong Setyembre 16, 2025 sa KCC Convention Center.
Pinuri ni Frasco ang pamunuan ng Bangsamoro Government at ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) sa pag spearhead ng summit at sa paglulunsad ng Bangsamoro Tourism Development Plan (BTDP). Aniya, “Handa na ang BARMM para sa turismo; handa na rin ang BARMM para sa pag-unlad at kasaganaan.”
Binigyang-diin ng Kalihim ang malaking papel ng turismo sa pagbibigay ng makabuluhang oportunidad at sa pagpapalakas ng kapayapaan at kasaganaan para sa mga susunod na henerasyon.
Kabilang sa mga ipinunto ni Frasco ang natatanging potensyal ng rehiyon bilang sentro ng turismo — tampok ang mayamang kultura, kahanga-hangang tanawin, malalaking masjid, at masarap na pagkaing hinubog ng pananampalataya at tradisyon. Giit niya, ang BARMM ay nakahandang tumanggap ng mga lokal na manlalakbay at maging destinasyon para sa mga turista mula sa mga bansang mayorya ang Muslim na naghahanap ng tunay at faith-based na karanasan.
Ibinahagi rin ni Frasco ang lumalakas na pagkilala sa Pilipinas bilang Muslim-friendly destination. Noong 2023 at 2024, kinilala ang bansa bilang emerging Muslim-friendly destination, at noong 2025 ay tinaguriang rising Muslim-friendly destination sa Global Muslim Travel Index.
“Ang BARMM ay nakahandang maging pangunahing destinasyon ng mga Pilipino at magsilbing gateway ng Muslim-friendly tourism sa buong Southeast Asia,” pahayag ng Kalihim.
Kasabay nito, tiniyak ni Frasco ang patuloy na suporta ng DOT para sa rehiyon, kabilang ang pagtatayo ng tourist rest areas sa Tawi-Tawi at Lanao del Sur, pagpapatupad ng halal at Muslim-friendly tourism standards, paglulunsad ng Muslim-friendly dialogue, at pagpapalawak ng training para sa mga tourism frontliners.
Dagdag pa niya, “Nakatuon ang Department of Tourism na makipagtulungan sa Bangsamoro Government at sa mamamayang Bangsamoro upang buuin ang kinabukasang kung saan ang BARMM ay hindi lamang kalahok, kundi magiging lider sa paglago ng turismo sa Pilipinas.”