Umarangkada pataas ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos makapagtala ng ikalawang pinakamalaking halaga ng approved investments sa Mindanao para sa ikalawang quarter ng 2025, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Umabot sa ₱3.26 bilyon ang pumasok na proyekto sa rehiyon—halos kapantay na ng Davao Region na nanguna sa listahan at may lamang lamang na 0.1 porsyento lamang.

Mas lalo pang nagningning ang rekord ng BARMM sa ikatlong quarter ng taon matapos maabot ang kabuuang ₱4.1 bilyong halaga ng approved investments, na mas mataas pa sa itinakdang taunang target. Ang pag-abot sa naturang milestone ay kinumpirma sa deliberasyon ng Bangsamoro Board of Investments (BBOI) nitong Hulyo 28.

Itinuturing ng pamahalaan ng BARMM na ang naturang tagumpay ay bunga ng tapat na pamumuno ni Chief Minister Abdulraof Macacua sa ilalim ng adbokasiyang Moral Governance at Economic Jihad. Layunin nitong palakasin ang mga reporma, makahikayat ng mas maraming mamumuhunan, at maghatid ng pangmatagalang kaunlaran para sa Bangsamoro.

Sa patuloy na pag-angat, lumilitaw na mas nagiging kaakit-akit at kompetitibo ang BARMM para sa mga negosyante—isang malinaw na palatandaan ng pag-usbong at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.