Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Agosto 8 na bumagsak sa -1.7 porsyento ang inflation rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Hulyo 2025, mula sa -0.9 porsyento noong Hunyo. Sa kabila ng pagbaba, nananatili itong may pinakamababang inflation rate sa buong bansa.

Taliwas ito sa pangkalahatang inflation rate ng Pilipinas na bumaba rin ngunit nanatiling nasa positibong antas—0.9 porsyento ngayong Hulyo mula sa 1.4 porsyento noong Hunyo.

Ayon kay Engr. Akan Tula, Regional Director ng PSA-BARMM, sanhi ng pagbaba ng presyo sa rehiyon ang pagtumal ng halaga sa tatlong pangunahing sektor: pagkain at inuming may alkohol; pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang panggatong; at transportasyon. Kabilang sa mga pangunahing produkto na nag-ambag sa pagbaba ng inflation ang bigas, sariwa o pinalamig na kamatis, gasolina, kamoteng-kahoy, at mga pampalasa gaya ng herbs at buto.

“Ang mas mabilis na pagbaba mula -0.9% tungo sa -1.7% ay patunay ng mas tumatatag na presyo sa Bangsamoro. Malayo ito sa 5.6% inflation noong Hulyo 2024, na nagpapakita ng katatagan ng ekonomiya ng rehiyon,” ani Tula.

Sa ginanap na Stat-Talakayan, binigyang-diin ni Chief Rohanisah Rashid ng Bangsamoro Planning and Development Authority–Economic Planning Division (BPDA-EPD) na ang mababang inflation ay nagbibigay ng kumpiyansa sa mga mamumuhunan at nakatutulong sa pag-akit ng kapital sa rehiyon. Dagdag pa niya, mahalaga ang malinaw na datos upang maunawaan ng mga mamamayan kung paano nakaaapekto ang deflation sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Samantala, sinabi ni Dr. Gregorio Baccay III, Acting Area Director ng Bangko Sentral ng Pilipinas–Cotabato, na habang sapat ang suplay ng salapi sa rehiyon, may kaakibat itong panganib sa lokal na negosyo at industriya kapag nagtagal ang deflation. “Ang patuloy na pagbaba ng presyo ay nagpapalakas ng kakayahang bumili ng mga kabahayan, ngunit binabantayan din namin ang panganib ng matagal na pag-urong ng ekonomiya,” paliwanag ni Dr. Baccay.

Batay sa datos, naitala ang pinakamalalim na deflation sa Tawi-Tawi sa -4.2 porsyento, sinundan ng Basilan sa -3.1 porsyento at Maguindanao sa -2.1 porsyento. Samantala, ang Lanao del Sur ang may pinakamataas na antas ng presyo sa rehiyon na may -0.7 porsyentong deflation.

Sa Cotabato City, bumilis din ang pagbaba ng presyo mula -1.6 porsyento noong Hunyo tungo sa -3.0 porsyento ngayong Hulyo.

Ayon sa PSA-BARMM, ang pangkalahatang pagbaba ng presyo ay patunay ng matagumpay na hakbang ng pamahalaang rehiyonal sa pagpapatatag ng presyo ng mga bilihin at pagpapanatili ng kapangyarihang bumili ng mga mamimili sa Bangsamoro. Nakahanay din ito sa ikatlong prayoridad sa agenda ng kasalukuyang administrasyon ni Chief Minister Macacua—ang pag-optimize ng mga yaman, pagpapalakas ng kita ng rehiyon, at pag-akit ng mas maraming pamumuhunan.