Naglabas ng nagkakaisang pahayag ang mga mataas na opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bilang buong suporta nila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pinaigting nitong kampanya laban sa katiwalian, na kanilang itinuturing na mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at mapatatag ang pamamahala sa bansa.
Sa kanilang pahayag, tiniyak ng BARMM Chief Minister at ng lahat ng gobernador ng mga lalawigan na ang rehiyon ay “matatag na nakatindig” sa likod ng Pangulo habang tinutugunan nito ang isa sa pinakamatagal nang suliraning kinakaharap ng bansa.
Binigyang-diin nila na nagpakita ang Pangulo ng “kaliwanagan at matatag na pagpapasya” nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure upang matiyak umano na ang mga imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto ay hindi naaapektuhan ng pulitika.
Tinukoy rin ng mga lider ng BARMM ang utos ng Pangulo na ipasara o i-freeze ang mga ari-arian ng mga sangkot sa maanomalyang flood-control schemes, na nagpapakita ng mariing paninindigan na ang pananagutan ay “hindi maaaring tawaran.”
Kabilang din sa kanilang binigyang-pansin ang direktiba ng Pangulo sa mga ahensiya ng pamahalaan na bawiin ang bawat pisong ninakaw mula sa taumbayan, gayundin ang pagbasura ng lahat ng flood-control allocations para sa 2026 upang mapigilan ang mga susunod pang abuso.
Binanggit sa magkasanib na pahayag na ang mga “matibay, sinadya, at nasusukat na hakbang” na ito ay patunay ng pamumunong nakabatay sa substansiya at hindi sa palabas, na layong protektahan ang mga komunidad, ibalik ang integridad sa pamahalaan, at tiyaking ang hustisya ay nakasandig sa “matibay at hindi mapasusubaliang ebidensiya.”
Inihayag ng mga opisyal ng Bangsamoro na ang kanilang suporta ay nakaugat sa paniniwalang ang tapat na pamamahala ang pundasyon ng kapayapaan, kaunlaran, at mas magandang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.
Nilagdaan ang naturang pahayag nina BARMM Chief Minister Abdulraof ‘Sammy Gambar’ Macacua; Basilan Governor Mujiv S. Hataman; Lanao del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong; Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura; Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang; at Tawi-Tawi Governor Yshmael ‘Mang’ Sali.
Tinapos nila ang kanilang “Statement of Support” para kay PBBM sa isang panawagan para sa pagkakaisa at pambansang suporta, na iginiit na ang paglilingkod-bayan ay dapat manatiling “sagrado” at ang laban kontra katiwalian ay nangangailangan ng sama-samang determinasyon mula sa lahat ng sektor.

















