Ipinahayag na walang pasok sa darating na Martes, Marso 18, 2025 sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang paggunita sa Araw ng Shuhada o “Day of the Martyrs.” Alinsunod ito sa Proclamation No. 0006, Series of 2024 na inilabas ng Tanggapan ng Punong Ministro at nakasaad din sa Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 39, na nagsasaad na ang Marso 18 ay isang Regular Non-Working Holiday sa rehiyon.
Ang salitang “Shuhada”, na nangangahulugang “mga martir” sa wikang Arabic, ay nagbibigay-pugay sa kabayanihan ng mga mujahideen — ang matatapang na Moro na matagal nang nagbuwis ng buhay para ipaglaban ang karapatan, kultura, at pananampalataya ng Bangsamoro.
Bukod sa pag-alala sa mga martir, ang araw ding ito ay mahalaga sa kasaysayan dahil ito ang anibersaryo ng dalawang makasaysayang pangyayari:
- Dansalan Declaration (Marso 18, 1935) – Isang pormal na pahayag ng karapatan ng mga Moro sa sariling pagpapasya.
- Jabidah Massacre (Marso 18, 1968) – Isang trahedyang nagsilbing mitsa ng kilusang Bangsamoro para sa hustisya at sariling pamahalaan.
Ang dalawang pangyayaring ito ay naging pundasyon sa pagkakatatag ng kasalukuyang Bangsamoro Government na patuloy na nagsusulong ng kapayapaan at karapatan ng mamamayang Moro.