Bumagsak sa -1.6% ang inflation rate ng Bangsamoro region nitong Mayo 2025, mula sa -1.4% noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ang pinakamababang inflation rate sa buong bansa.

Ayon kay Edward Donald Eloja ng PSA-BARMM, bumaba ang presyo ng ilang pangunahing bilihin tulad ng kuryente, tubig, gasolina, pamasahe, at mga personal care items, dahilan ng naturang deflation o negative inflation.

Kabilang sa mga pangunahing nagbaba ng presyo ay ang bigas, gasolina, kuryente, processed food, at mga matatamis na produkto.

Bagamat nakakagaan ito sa bulsa ng mga mamimili, babala ni Eloja, kapag tumagal ang deflation, maaaring humina ang kita ng mga negosyo, mawalan ng trabaho ang ilan, at bumagal ang ekonomiya.

Plano ng BARMM interim government na tulungan ang mga lokal na producer, bawasan ang buwis sa mahahalagang produkto, at palakasin ang mga sektor na apektado ng pagbaba ng presyo.

Sa tala ng PSA-BARMM, Basilan ang may pinakamalalim na deflation sa rehiyon sa -3.4%, habang pinakamababa naman ang Lanao del Sur sa -0.2%. Bumagsak rin sa -2.6% ang inflation rate ng Cotabato City ngayong Mayo mula sa -1.8% noong Abril.