Naghahanda ang Pamahalaang Bangsamoro ng agarang tulong at pangmatagalang hakbang upang mabawasan ang epekto ng global fuel crisis, matapos ang emergency Cabinet meeting na pinatawag ni Chief Minister Abdulraof Macacua.
Ayon kay Bangsamoro Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun, tinalakay sa pulong ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa buong mundo, na dulot ng kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan.
“Tinawag ng Chief Minister ang emergency cabinet meeting noong Marso 20 upang talakayin ang epekto ng ongoing global fuel crisis,” ani Pendatun sa isang press briefing para sa Bangsamoro Government Executive-Legislative Forum.
Bilang bahagi ng agarang solusyon, inuuna ng pamahalaan ang social amelioration program para sa mga pinaka-apektadong sektor, kabilang ang mga manggagawa sa transportasyon at low-income households. Pinag-aaralan din ang posibilidad ng fuel subsidies sa sektor ng transportasyon upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Inutusan din ang mga kaugnay na ministries at ahensiya na pabilisin ang paghahanda at prepositioning ng mga goods para sa amelioration program.
Pinatitibay rin ng mga awtoridad ang monitoring upang maiwasan ang pang-aabuso sa merkado. “Gusto naming masiguro na ang pagtaas ng presyo ay nasa tamang parameter at walang negosyante ang aabuso sa sitwasyon,” dagdag ni Pendatun.
Binalaan rin ang publiko laban sa hoarding matapos ang ulat ng limitadong fuel supply sa ilang lugar. “Tinitiyak namin na walang hoarding sa rehiyon. Ang Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) ay mahigpit na nagmo-monitor,” paliwanag niya.
Para sa pangmatagalang solusyon, pinabilis ng pamahalaan ang mga proyekto sa lokal na energy resources, kabilang ang gas exploration sa rehiyon, gaya ng kasalukuyang aktibidad sa Mapun, Tawi-Tawi, at muling pagbubukas ng Liguasan Marsh. Naitatag na rin ang isang special task force upang tutukan ang parehong agarang at pangmatagalang pangangailangan sa enerhiya.
Samantala, sinabi ni Bangsamoro Parliament Floor Leader John Anthony Lim na pinag-aaralan ng rehiyon ang alternatibong paraan ng pagkuha ng langis, kabilang ang direktang import mula sa Malaysia at Brunei. Sinusuri rin ang umiiral na mekanismo tulad ng Asian Petroleum Security Agreement at BIMP-EAGA upang suportahan ang proposal.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapagaan ang epekto ng global oil crisis na nararamdaman sa buong bansa at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.

















