The Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao’s (BARMM) inflation rate remains the lowest in the entire Philippines. (BIO)

Nanatiling may pinakamababang inflation rate sa buong bansa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos itong magtala ng -0.9% inflation rate para sa buwan ng Hunyo 2025, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Bagama’t bahagyang tumaas mula sa -1.6% noong Mayo, nananatiling nasa deflation level ang rehiyon. Sa kabuuan ng Pilipinas, tumaas naman sa 1.4% ang headline inflation mula sa 1.3% noong nakaraang buwan.

Ayon kay PSA-BARMM Regional Director Engr. Akan Tula, ang paggalaw ng presyo ng pagkain at inuming nakalalasing, gayundin ng pabahay, kuryente, tubig, gas, at iba pang fuel, ang pangunahing dahilan ng bahagyang pagtaas ng inflation sa BARMM.

Kabilang sa mga pangunahing produkto na nakaapekto sa inflation ay bigas, gasolina, kamoteng kahoy, asukal, at mga pampalasa.

Nagbabala naman ang mga eksperto gaya ni Dr. Gregorio Baccay III ng Bangko Sentral ng Pilipinas na bagama’t positibo para sa konsumer ang pagbaba ng presyo, maaaring magdulot ito ng panganib sa produksyon at trabaho kung magtatagal ang deflation.

Samantala, binigyang-diin ni BPDA official Camella Dacanay ang pangangailangang repasuhin ang mga prayoridad ng mga ahensya ng BARMM upang suportahan ang sektor ng negosyo, kabilang ang pagtutok sa mga proyektong pang-imprastruktura para mapalawak ang oportunidad sa trabaho.

Tawi-Tawi ang may pinakamababang inflation rate sa rehiyon sa -3.2%, kasunod ang Basilan (-2.1%), Maguindanao (-1.5%), habang Lanao del Sur ay nagtala ng positibong 0.5%. Sa Cotabato City, bumaba rin sa -1.3% ang inflation mula -2.0% noong Mayo.

Patuloy na deflation sa rehiyon ay nakikitang indikasyon ng tagumpay ng pamahalaang rehiyonal sa pagpapanatili ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbibigay-proteksyon sa kapangyarihang bumili ng mga mamamayang Bangsamoro.