Inilabas na ng COMELEC ang listahan ng mga bayan at siyudad sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa na isinailalim sa Areas of Concern ng kapulisan at kasundaluhan para sa 2025 National, Local at First BARMM Parliamentary Elections.
Nakakalungkot lamang na sa buong Pilipinas, isa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga Areas of Concern.
Nakapagtala ang rehiyon ng 49 na lugar na isinailalim sa tinatawag na yellow category na nangangahulugan na mayroon nang tala ng karahasan o election related incidents sa nakaraang dalawang halalan at posibleng may banta mula sa mga private army groups habang 22 na lugar naman ang isinailalim sa Orange Category na nangangahulugan na mayroong seryosong armadong banta o armed threat.
32 naman na lugar sa rehiyon ang naisama sa pinakamataas na antas ng kategorya na RED na kung saan ang mga lugar na ito at may high level of threat sa mga armadong grupo at may mga naitalang kasaysayan ng mga insidenteng may kaugnayan sa halalan.
Kabilang sa nasabing RED category ang lungsod ng Cotabato dahil na rin sa mga naitalang karahasan na may kinalaman sa halalan nitong mga nagdaang taon.
Ang mga listahan ng Areas of Concern ay isinasailalim pa sa balidasyon at mailalabas pa ang pinal na talaan pagkatapos ng Enero 20, taong kasalukuyan.