Nalampasan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang target nitong investment para sa taong 2025 sa unang tatlong buwan pa lamang ng taon.

Ayon sa Bangsamoro Board of Investments (BBOI), umabot sa ₱3.2 bilyon ang kabuuang halaga ng mga naaprubahang pamumuhunan mula Enero hanggang Marso na mas mataas sa itinakdang ₱3 bilyong target para sa buong taon.

Kabilang sa mga pangunahing sektor na pinasukan ng mga pamumuhunan ang agrikultura, agribusiness, at healthcare.

Ilan sa mga proyektong aprubado ay ang bamboo plantations, abaca fiber processing, at ang pagtatayo ng isang bagong medical center.

Tinatayang 1,200 bagong trabaho ang malilikha mula sa mga proyektong ito.

Personal na sinaksihan ang approval ng investments nina Chief Minister Abdulraof A. Macacua, Senior Minister Mohammad S. Yacob, BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan, at iba pang opisyal ng BARMM.

Ayon kay BBOI Chairperson Pasigan, naging mahalaga ang maagang pagsampa ng mga pamumuhunan lalo na sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.

Noong nakaraang taon, nakapagtala ang BBOI ng ₱4.7 bilyong investments, kabilang na ang logistics warehouse para sa isang malaking mall sa Cotabato.

Ang mga bagong pamumuhunan ay inaasahang maging pinto sa pag-unlad ng ekonomiya ng rehiyon sa pamamagitan ng dagdag na trabaho at imprastraktura.