Nangako si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim na susuportahan ang mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Maguindanao del Norte (MDN) at Lanao del Sur (LDS).
Sa kasalukuyan, umabot sa 4,193 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha nitong Martes at nabigyan ng paunang tulong, ayon sa datos mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD).
Sa Lanao del Sur, may 3,545 pamilyang naapektuhan mula sa iba’t ibang munisipalidad: 1,845 sa Malabang, 1,617 sa Balabagan, at 83 sa Marogong. Sa kabilang banda, may kabuuang 648 pamilyang naapektuhan sa Maguindanao del Norte—486 sa Barira at 162 sa Matanog.
Nagsimula ang pagbaha noong Martes ng hapon matapos ang malakas na pag-ulan dulot ng Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon kay Ebrahim, dahil sa hindi inaasahang kalamidad, agad na ipinadala ang mga Quick Response Teams na pinangungunahan ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) upang suportahan ang mga Search and Rescue Operations ng mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) at iba pang lokal na DRMMOs.
Dagdag pa niya, tumulong din ang iba pang ahensya tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Marines, bukod sa iba pa, para sa mga biktima.
Ang Ministry of Public Works (MPW), kasama ang mga apektadong local government units (LGUs), ay nagsagawa ng mga operasyon sa paglilinis ng mga kalsada upang maging mas madali ang paghahatid ng mga goods, pangangailangan, at mga serbisyo sosyal.Bukod dito, naglabas din ng mga direktiba ang Bangsamoro DRRM Council tungkol sa paghahanda at pagtugon sa mga epekto ng mga sistema ng panahon sa BARMM.
Hinikayat ng Chief Minister ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad.
“Mahalaga na ang mga mamamayan ay maging alerto at magkaroon ng sapat at totoong kaalaman hinggil sa nararanasang sakuna. Ipagdasal natin ang kaligtasan ng mga mamamayan, kabilang ang ating mga Search and Rescue Teams,” Ani Chief Minister Ahod Ebrahim
Ang pagpapahusay sa kakayahan at maagap na pagbibigay ng mga serbisyong pangsosyal upang mabawasan ang kahinaan sa mga sakuna ay kabilang sa walong prayoridad na agenda ni CM Ebrahim.