Nanguna ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa buong Mindanao sa isinagawang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) matapos makapagtala ng 91 porsyentong vaccination coverage.
Ayon sa Ministry of Health (MOH-BARMM), umabot sa 523,324 na mga bata ang nabakunahan sa rehiyon sa kampanyang isinagawa mula Enero 19 hanggang Pebrero 24.
Layunin ng programa na mabakunahan ang tinatayang 2.5 milyong batang may edad anim hanggang 59 buwan sa buong Mindanao upang mapalakas ang proteksyon laban sa tigdas at rubella, na itinuturing na lubhang nakahahawang sakit lalo na sa mga bata.
Nagpasalamat naman si MOH Minister Dr. Kadil “Jojo” Sinolinding Jr. sa mga health worker sa rehiyon na nanguna sa pagpapatupad ng vaccination campaign.
Aniya, hindi makakamit ang tagumpay na ito kung wala ang dedikasyon at pagkakaisa ng mga health worker sa pagprotekta sa kalusugan ng mga bata.
Ipinaliwanag din ni Sinolinding na ang natitirang apat na porsyento upang maabot ang 95 porsyentong national target ay binubuo ng mga batang hindi nabakunahan sa kampanya.
Kabilang dito ang mga deferred cases o mga batang pansamantalang hindi maaaring mabakunahan dahil sa kondisyon sa kalusugan, pati na rin ang ilang kaso ng pagtanggi ng mga magulang o guardian.
Nanawagan din ang opisyal sa mga magulang, lolo, lola at mga guardian na tiyaking mabibigyan ng bakuna laban sa tigdas ang kanilang mga anak.
Bagama’t natapos na ang vaccination campaign, sinabi ng MOH na patuloy pa ring available ang bakuna at maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na Rural Health Unit o health facility upang mabakunahan.
Sa loob ng BARMM, naitala ang pinakamataas na vaccination coverage sa Maguindanao del Norte, Cotabato City, Tawi-Tawi, at Lanao del Sur, habang pinakamababa naman sa Basilan.
Nalampasan din ng BARMM ang iba pang rehiyon sa Mindanao kung saan pumangalawa ang Caraga Region na may 87 porsyento, sinundan ng Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao na parehong may 86 porsyento.
Samantala, nakapagtala ang Soccsksargen ng 78 porsyento, habang pinakamababa ang Davao Region na may 65 porsyento na vaccination coverage.
Bukod dito, nanguna rin ang BARMM sa Vitamin A supplementation matapos maabot ang 87 porsyento ng target na mga bata sa rehiyon.
Bahagi ang naturang programa sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ng Bangsamoro Government, partikular sa layuning mapalakas ang kahandaan laban sa mga nakahahawang sakit at iba pang banta sa kalusugan ng publiko.

















