Patuloy na ipinapakita ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang katatagan ng ekonomiya matapos magtala ng -1.3 porsyentong inflation rate nitong Agosto 2025, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bahagyang tumaas ito kumpara noong Hulyo na nasa -1.7 porsyento, ngunit nananatiling nasa deflation ang rehiyon sa loob ng limang sunod na buwan simula Abril.
Sa kabila ng bahagyang pag-akyat, nanatiling pinakamababa ang inflation sa BARMM kumpara sa pambansang antas na umabot sa 1.5 porsyento nitong Agosto. Ayon kay Engr. Akan Tula, OIC regional director ng PSA-BARMM, pangunahing dahilan ng paggalaw ng presyo ang pagtaas sa ilang pangunahing bilihin at serbisyo gaya ng bigas, kamatis, gasolina, kuryente at asukal.
Sa isinagawang “Stat-Talakayan” ng PSA-BARMM, ipinaliwanag ni Rohanisa Rashid ng Bangsamoro Planning and Development Authority na nakikinabang ang mamamayan sa deflation dahil mas mababa ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Dagdag pa niya, nagiging mas kaakit-akit din ang kapaligiran sa pamumuhunan dahil mas mababa ang operational costs para sa mga negosyo.
Binigyang-diin din ni PSA Chief Statistical Specialist Edward Eloja na sa kabila ng limang buwang deflation, nananatiling matatag ang kalagayang pang-ekonomiya ng rehiyon at lumalakas ang purchasing power ng mga pamilyang may mababang kita.
Batay sa datos, Basilan ang nakapagtala ng pinakamalalim na deflation sa -3.4 porsyento, sinundan ng Tawi-Tawi sa -3.0 porsyento, at Maguindanao sa -2.1 porsyento. Samantala, Lanao del Sur ang may pinakamababang antas ng deflation sa -0.3 porsyento, habang ang Cotabato City ay lumubog pa sa -3.4 porsyento mula -3.0 porsyento noong nakaraang buwan.
Sa pangkalahatan, nakikita ng mga eksperto na ang pagpapatuloy ng maingat na pagpaplano at pamumuhunan ay maaaring magsilbing matibay na pundasyon para sa pangmatagalang paglago at mas maayos na kabuhayan para sa Bangsamoro people.