Mariing pinuna ni Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang nakakahiya at lubak-lubak na kalsada sa loob mismo ng Bangsamoro Government Center (BGC), na aniya’y isang “malaking kahihiyan” sa harap ng mga bisita at opisyal ng rehiyon.

Sa kanyang social media post, iginiit ni Macacua na ang kalagayan ng kalsada ay sumasalamin sa kakayahan ng pamahalaan ng BARMM na pangasiwaan at pagandahin ang mga pangunahing imprastruktura. “Nakakahiya sa mga bisita na sa loob mismo ng compound ng BGC kapangit at lubak-lubak ang kalsada,” aniya, idinagdag ang matinding pagkadismaya sa kawalan ng aksyon.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng kredibilidad sa mata ng publiko: “Paano natin mapapaniwala ang Bangsamoro na kaya natin pagandahin ang kalsada ng buong rehiyon kung mismo sa bakuran natin hindi natin kaya.”

Bilang agarang solusyon, ipinahayag ni Macacua na kung hindi kakayanin ng Ministry of Public Works (MPW) ang pag-aayos, siya mismo ang mag-uutos ng pansamantalang aksyon.

Ayon sa kanyang pahayag, pansamantalang papayagan si Minister Eduard Uy Guerra na mag-leave, at ipapakonkurso ang MPW sa loob ng tatlong buwan upang linisin at ayusin ang kalsada sa Office of the Chief Minister (OCM).

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng BARMM upang tiyakin na ang bawat pampublikong gusali at kalsada sa rehiyon ay maayos, maipagmamalaki, at sumasalamin sa kakayahan ng pamahalaan na maghatid ng kaayusan at dignidad sa komunidad.