Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang distribusyon ng mga balota para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.
Unang ipinadala ang nasa 2.3 milyong balota patungong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa COMELEC, kaninang hatinggabi ay umarangkada na ang deployment ng mga balota patungo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ang mga unang naipadalang balota ay direktang dinala sa City at Municipal Treasury Offices ng mga lungsod at bayan sa rehiyon ng BARMM.
Ang rehiyon ay binubuo ng 3,546 na presinto, kabilang na ang mga presinto mula sa walo (8) na bagong tatag na bayan sa Special Geographic Area (SGA-BARMM).
Pahayag ng COMELEC, tuloy-tuloy ang kanilang operasyon ng pagpapadala ng mga balota sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Target nilang maipadala ang lahat ng mga ito sa kani-kanilang mga destinasyon bago o sa mismong petsang Mayo 1, 2025.
Layon ng maagang pagpapadala na matiyak ang maayos at sistematikong halalan, lalo na sa mga malalayong lugar tulad ng BARMM.