Nagpadala ng liham si Bangsamoro Parliament Speaker Atty. Pangalian Balindong sa tagapamuno ng Committee on Public Accounts na si Congressman Joseph Paduano, hinggil sa pagsisiyasat ng mababang kapulungan sa kontrobersyal na Local Government Support Fund (LGSF).

Sa kanyang sulat, binigyang-diin ni Speaker Balindong na nasa hurisdiksyon ng Bangsamoro Parliament ang pagsisiyasat sa usaping ito at hindi dapat panghimasukan ng Kongreso. Ipinaalala niya na alinsunod sa Bangsamoro Organic Law (BOL), may kapangyarihan ang Bangsamoro Parliament na magkaroon ng oversight sa mga pondo ng rehiyon.

Ang pagpapaliwanag na ito ay kasunod ng imbitasyon ng Committee on Public Accounts sa ilang opisyal ng BARMM upang dumalo sa pagdinig tungkol sa umano’y maanomalyang paggamit ng LGSF mula sa opisina ng Punong Ministro.

Bagamat nanindigan sa kanilang eksklusibong hurisdiksyon, binanggit din ni Speaker Balindong na bukas silang magbigay ng sariling imbestigasyon at rekomendasyon kaugnay ng isyu. Gayunpaman, tila nagpasaring ang lider ng Bangsamoro Parliament sa Kongreso, at iginiit na dapat itong magpakita ng respeto sa autonomiya ng BARMM at hayaang ang rehiyon mismo ang mamahala sa sariling usapin nito.

Sa kabila ng patuloy na isyu, nananatiling matatag ang paninindigan ng Bangsamoro Parliament sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin nang naaayon sa batas at sa kanilang karapatan bilang isang awtonomong rehiyon.