Naglabas ng opisyal na abiso ang Pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay ng pagbabago sa oras ng trabaho ng mga opisyal at empleyado bilang paggunita sa banal na buwan ng Ramadhan.
Batay sa inilabas na “Ramadhan Advisory” na may petsang Sha’ban 21, 1447 AH o Pebrero 9, 2026, epektibo sa unang araw ng Ramadhan ang bagong iskedyul ng trabaho para sa mga Muslim na opisyal at empleyado ng rehiyon.
Mula sa dating 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, magiging 7:30 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon na lamang ang pasok, at ito ay walang tanghaliang pahinga. Ayon sa abiso, mananatili pa rin ang kabuuang 40 oras na workweek alinsunod sa umiiral na mga tuntunin ng Civil Service.
Binago rin ang iskedyul ng mga lingguhang seremonya. Ang flag raising ceremony tuwing Lunes ay gaganapin ng 7:15 ng umaga, habang ang flag lowering ceremony tuwing Biyernes ay isasagawa ng 3:15 ng hapon.
Matapos ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr, awtomatikong babalik sa dating regular na oras ng trabaho ang lahat ng opisyal at empleyado.
Layunin ng nasabing pagbabago na mabigyan ng sapat na konsiderasyon ang mga kawani na nag-aayuno at nagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon sa panahon ng Ramadhan, habang tinitiyak pa rin ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko sa rehiyon.















