Lumabas ang listahan ng Top 10 na mga probinsya sa bansa na may pinakamataas at pinakamababang kaso ng stunting o pagkabansot sa mga bata.

Batay sa Operation Timbang Plus report hanggang Marso 25, 2025, inilabas ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II ang talaan ng mga lalawigan na may mataas at mababang prevalence ng stunting sa bansa.

Ang stunting o pagkabansot ay isang uri ng undernutrition kung saan mas mababa ang tangkad ng bata kumpara sa normal na taas para sa kanyang edad. Ayon sa mga eksperto, maaari rin itong makaapekto sa cognitive development o kakayahan ng bata sa pag-iisip at pagkatuto.

Sa listahan ng mga probinsyang may pinakamataas na stunting prevalence, nanguna ang Basilan na may 20.42 porsiyento, sinundan ng Tawi-Tawi na may 16.96 porsiyento at Eastern Samar na may 16.86 porsiyento.

Kasama rin sa Top 10 ang Oriental Mindoro (16.49%), Davao Occidental (15.20%), Occidental Mindoro (14.66%), Northern Samar (14.62%), Catanduanes (13.82%), Masbate (13.67%), at Samar (12.98%).

Samantala, kabilang naman sa mga probinsyang may pinakamababang kaso ng stunting ang Pangasinan na may 1.95 porsiyento, kasunod ang Capiz (2.01%) at Agusan del Norte (2.66%).

Nasa listahan din ang Sarangani (2.75%), Misamis Oriental (2.86%), Ilocos Sur (2.95%), South Cotabato (2.95%), Laguna (3.06%), Cotabato Province (3.28%), at La Union (3.38%).

Ayon sa EDCOM II, mahalagang mabigyang pansin ang isyu ng stunting dahil may malaking epekto ito sa kalusugan, pagkatuto, at pangmatagalang pag-unlad ng mga bata sa bansa.