Nagpasaring si Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa iba pang mga halal na opisyal ng bansa, kaugnay ng panawagan nitong isailalim muna sa hair follicle drug test ang mga nasa gobyerno.

Ayon kay Duterte, panahon na upang malinawan ang publiko kung talagang malinis sa iligal na droga ang mga opisyal ng pamahalaan. Giit niya, hindi masamang sumailalim sa ganitong uri ng pagsusuri upang matanggal ang duda na baka may mga opisyal na bangag o adik habang nasa pwesto.

Ang pahayag ay kasunod ng hamon ni Duterte sa hepe ng PNP na si Police Brigadier General Nicolas Torre III na makipagsuntukan sa isang charity boxing match na gaganapin sa Maynila ngayong weekend. Ngunit bago pa man ito matuloy, sinabi ni Baste na dapat muna aniyang mauna ang drug test—hindi lang kay Torre, kundi pati na rin sa mismong Pangulo at sa mga halal na lider ng bansa.

Aniya, bago siya maghamon o sumabak sa tinawag nitong “charity-charity,” dapat munang kasahan ang panawagan na hair follicle test bilang patunay ng integridad at kalinisan sa serbisyo-publiko.

Sa ngayon, wala pang tugon mula sa Palasyo hinggil sa isyung ito.