Matapos ang laban nina Pacquiao at Barrios, tila may bagong aabangang suntukan sa publiko!

Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ang hamon ni Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte para sa isang 12-round charity boxing match.

Ito ay kasunod ng maaanghang na pahayag ni Duterte laban kay Torre dahil sa umano’y panggigipit umano ng huli sa kanilang pamilya.

Sa pahayag ng PNP chief, handa siyang harapin si Baste sa isang laban sa darating na Linggo sa Araneta Coliseum, alas-9 ng umaga.

Plano ni Torre na kausapin ang pamunuan ng Araneta upang makapagtayo ng boxing ring para sa nasabing engkuwentro.
Giit niya, hindi ito personal kundi para sa isang makabuluhang layunin.

“Ito ay isang charity boxing match. Ang lahat ng kikitain ay ido-donate natin sa mga biktima ng bagyo,” ayon kay Torre.

Sa ngayon, wala pang pahayag mula kay Baste Duterte kung tatanggapin niya ang pormal na imbitasyon sa ring.

Abangan ang susunod na kabanata sa mainit na sagupaan—hindi sa politika, kundi sa loob ng boxing ring!