Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na agad magpasuri kontra Human Immunodeficiency Virus (HIV), kasunod ng mabilis na pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, patuloy na lumalala ang bilang ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas, kung saan umabot na ito sa mahigit 5,000 bagong kaso mula Enero hanggang Marso ng 2025. Ito ay 50 porsyentong pagtaas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan, nasa 148,831 na ang kabuuang bilang ng mga kaso ng HIV sa bansa.

Pinaalalahanan din ni Herbosa ang publiko na ang HIV testing ay libre at kumpidensyal, at may mga available nang self-testing kits sa mga HIV care facilities. Hinimok niya ang mga Pilipinong sexually active na gawing ugali ang ligtas na pakikipagtalik sa pamamagitan ng paggamit ng condom at lubricants, at ang regular na konsultasyon sa mga eksperto. Inirekomenda rin ng DOH ang pag-inom ng Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) para sa mga indibidwal na nasa mataas na panganib na mahawa sa sakit.

Sa datos ng DOH, nasa 57 bagong kaso ng HIV ang naitatala kada araw. Nakababahala rin ang pabata nang pabata na mga tinatamaan ng sakit — pinakabatang kaso ngayong taon ay isang 12-anyos mula sa Palawan.

Patuloy namang tinutukoy ang pakikipagtalik bilang pangunahing sanhi ng HIV transmission, partikular sa mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki, na nagsimulang maitala nang agresibo simula pa noong 2007.

Nagbabala rin si Herbosa na posibleng lumampas sa 400,000 ang kabuuang kaso ng HIV sa bansa kung hindi agad maaagapan ang pagkalat nito. Dahil dito, iminungkahi na ng ahensiya na ideklarang isang National Public Health Emergency ang HIV crisis sa bansa, matapos pangunahan ng Pilipinas ang bilang ng mga bagong kaso sa buong Western Pacific Region.