Justice for Jazzy! Ito ang mariing isinisigaw ng mga sumama sa libing ni Lady Jazzy Maribao kahapon. Kung maalala, si Jazzy ang siyam na taong gulang na batang babae na naunang napaulat na nawawala sa Barangay New Israel, Makilala North Cotabato ngunit ilang araw lang ay nahanap ito na nakahandusay, may saksak at senyales ng paggahasa dito.

Nagmistulang langit dahil sa kulay puti na suot ng mga nakipaglibing ang kalsada ng barangay kung saan daan-daan ang nakiramay upang magbigay simpatiya sa sinapit ng batang babae.

Karamihan sa mga nakilibing ay ang mga kaklase, mga magulang sa lugar at mga residente nito. Nagbitbit ng plaque cards na may nakasulat na paghingi ng hustisya ang iba sa mga ito.

Ngayong nailibing na aniya si Jazzy, ayon sa pamilya ay patuloy pa rin silang gigiit ng hustisya para mapanagot ang mga salarin. Ayon naman sa ulat ng Makilala PNP, may tatlong personahe na silang tinunton sa mga oras na ito.