Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang bagong batas na nag-uutos ng agarang at maayos na paglilibing sa mga yumaong Muslim alinsunod sa mga kaugaliang panrelihiyon ng Islam.

Ang Republic Act 12160, na kilala bilang Philippine Islamic Burial Act, ay nilagdaan noong Abril 11 at nai-upload sa Official Gazette nitong Abril 21.

Ayon sa batas, Ang Estado ay nag-aatas ng agarang at maayos na paglilibing ng mga labi ng yumaong Muslim alinsunod sa mga ritwal ng Islam.”

Sa pananampalatayang Islam, mahalaga na mailibing agad ang bangkay ng yumao na kahit pa wala pang nailalabas na death certificate kaya’t binibigyang-diin ng batas ang kahalagahan ng agarang paglilibing.

Gayunpaman, inaatasan ng batas na ang taong nagsagawa ng burial rites o ang pinakamalapit na kaanak ng namatay ay kailangang mag-ulat ng kamatayan sa lokal na health officer sa loob ng labing-apat (14) na araw.

Ang health officer ang siyang magsusuri ng sanhi ng kamatayan at maglalabas ng death certificate.

Kung sakaling walang health officer sa lugar, kailangang iulat ito sa Tanggapan ng Alkalde.

Sa mga kaso kung saan kinakailangan ang forensic examination, kailangang ipaalam muna ito sa pamilya bago magsagawa ng anumang pagsusuri.

May mga tagubilin din para sa mga ospital at institusyong may kustodiya sa bangkay ng Muslim na pumanaw habang nasa kanilang pangangalaga.

“Ang mga labi ng yumaong Muslim ay dapat ilabas sa loob ng 24 oras ng ospital, klinika, punerarya, morgue, kulungan, o iba pang katulad na pasilidad, anuman ang estado ng bayarin,” ayon sa batas.

Pinapayagan ang promissory note kung hindi pa kayang bayaran ang mga hospital bill o iba pang gastusin.

Dapat ding balutin ang bangkay ng puting tela at ilagay sa cadaver bag o kahon.

Ang sinumang lalabag sa batas sa pamamagitan ng pagpigil sa paglabas ng bangkay ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan, at pagmumultahin ng ₱50,000 hanggang ₱100,000.

Ikinatuwa ni Senador Robin Padilla, na siyang pangunahing nagsulong ng panukala sa Senado, ang pagpasa ng batas.

“Isang malaking tagumpay ito para sa ating mga kapatid na Muslim. Ang RA 12160 ay simpleng batas ngunit napakahalaga sa aming paniniwala,” ani Padilla.

Layunin ng batas na kilalanin at igalang ang mga relihiyosong paniniwala ng mga Muslim sa bansa, at masiguro ang pantay-pantay na karapatan sa pagdadalamhati at paglilibing.