May kaunting ginhawa sa ating mga bulsa ngayong buwan! Matapos ang ilang buwang sunod-sunod na bayarin, inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na bahagyang bumaba ang transmission rates sa mga electric bill ngayong Oktubre 2025.

Batay sa datos ng NGCP, bumaba ng 1.23% ang kabuuang average transmission rates para sa billing period ng Setyembre, mula ₱1.4171 pababa sa ₱1.3998 kada kilowatt-hour.

Ang pagbaba ay bunsod ng mas mababang transmission wheeling rates at Ancillary Services (AS) rates — mga singil na ginagamit para matiyak ang maayos na daloy ng kuryente at maiwasan ang brownout kapag may kakulangan o sobrang suplay sa grid.

Ayon sa NGCP, 59 sentimos kada kilowatt-hour lamang ang kanilang sinisingil para sa paghahatid ng serbisyo ngayong Oktubre, habang ang AS rates ay bumaba rin ng 1.70%, mula ₱0.6659 tungong ₱0.6546 kada kWh.

Nilinaw pa ng NGCP na wala silang kinikita mula sa AS rates dahil ito ay diretso umanong ipinapasa sa mga power generating companies.

Sa kabila ng maliit na porsyento ng pagbaba, magandang balita pa rin ito para sa mga konsumer — isang patunay na kahit bahagya, may liwanag pa rin sa gitna ng taas-presyo ng mga bilihin.