Umabot na sa 54 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa trahedya ng lumubog na barkong MV Trisha Kerstin 3 matapos matagpuan ang isa pang bangkay sa isinagawang underwater search operations nitong Sabado malapit sa Basilan, ayon sa Philippine Coast Guard.

Kinilala ang huling narekober na biktima bilang si Sgt. Sabuyas, na kabilang sa mga pasaherong sakay ng nasabing barko. Narekober ang kanyang mga labi nitong Pebrero 14, 2026, na nagbigay-daan upang maiproseso ang kinakailangang pagkilala at maisaayos ang pag-uwi ng kanyang mga labi sa kanyang pamilya.

Ayon sa mga saksi, sa mga unang sandali ng kaguluhan sakay ng barko, pinili umano ni Sgt. Sabuyas na unahin ang kaligtasan ng iba kaysa sa sarili.

Huli siyang nakitang tumutulong sa isang matandang babae at isang bata sa pagsusuot ng life vest. Nanatili umano siyang kalmado at determinado sa gitna ng takot at pagkalito—isang patunay ng kanyang katapangan at malasakit bilang isang Alakdan Trooper.