Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol kagabi sa Cebu, na natukoy ang epicenter sa karagatan, humigit-kumulang 19 kilometro hilaga-silangan ng Bogo City.

Ayon sa Pangulo, kabilang sa kanyang mga panalangin ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng nasabing trahedya.

Ipinahayag ng Malacañang na nasa mga apektadong lugar na ang iba’t ibang kalihim ng pamahalaan upang magsagawa ng assessment at maghatid ng agarang tulong. Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsuri sa kaligtasan ng mga kalsada at tulay, habang kumikilos ang Department of Energy (DOE) upang maibalik ang suplay ng kuryente.

Nagpadala rin ng karagdagang medical team ang Department of Health (DOH) sa mga ospital, at nagsimula na ring maghatid ng pagkain at pangunahing pangangailangan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Katuwang sa search and rescue operations ang Bureau of Fire Protection (BFP), habang nakatutok naman ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtulong sa mga operasyon ng pagliligtas. Pinamumunuan ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kabuuang koordinasyon upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon ng mga ahensya.

Hinikayat din ng Pangulo ang publiko na manatiling alerto at patuloy na makinig sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan. Dagdag pa niya, sama-sama umanong itatawid ng bansa ang mga naapektuhan at muling itatayo ang mga komunidad na winasak ng kalamidad.