Isang beteranong photojournalist ang nasawi nitong Biyernes, Enero 9, habang nagre-report sa Traslacion ng Feast of the Jesus Nazareno.

Kinilala ang nasawi na si Itoh Son mula sa Saksi Ngayon, na sinasabing nakaranas ng cardiac arrest sa paligid ng Quirino Grandstand bandang madaling araw. Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), natagpuan si Son na walang malay at walang pulso malapit sa MPD Station 5 at idineklara nang patay sa lugar.

Ibinahagi ng kanyang mga katrabaho na ilang araw na siyang nakararamdam ng sintomas ng trangkaso ngunit patuloy na nagtrabaho, kabilang ang pag-cover sa mga aktibidad bago ang Traslacion tulad ng tradisyunal na “Pahalik.”

Samantala, nananatiling mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad upang masiguro ang kaligtasan ng libu-libong deboto sa prusisyon ngayong taon, kasama ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang aksidente sa matataong lugar.