Isinagawa kanina sa Cotabato City ang isang press conference kung saan tinalakay ni MAFAR Minister at Bangsamoro Federalist Party nominee Abunawas Maslamama o mas kilala bilang Von Al Haq ang kanyang paglipat sa bagong tatag na partido.

Ayon kay Von Al Haq, wala umano siyang iniwang obligasyon o pananagutan sa United Bangsamoro Justice Party matapos niyang lisanin ang grupo.

Ipinaliwanag din nito na hindi siya naging bahagi ng pormal na proseso ng pagpili ng mga kandidato ng UBJP dahil hindi umano siya nakapag-fill up ng anumang form para dito.

Nagpasalamat naman si Von Al Haq sa UBJP ngunit iginiit na siya ay kumikilos ngayon bilang isang “freelancer” bago tuluyang sumama sa Bangsamoro Federalist Party.

Dagdag pa niya, tinanggap niya ang imbitasyon ni Chief Minister Abdulraof Macacua alinsunod sa umiiral na chain of command kung saan aniya’y mahalagang tumugon sa direktiba ng nakatataas.

Ang Bangsamoro Federalist Party ay bagong tatag na partido na naghain ngayong araw ng petisyon upang makalahok sa kauna-unahang Parliamentary Election sa BARMM.

Matatandaang si Von Al Haq ay unang itinalaga bilang Senior Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantala, umani naman ng batikos si Von Al Haq mula sa ilang sektor na nagsasabing tila wala itong utang na loob sa UBJP na unang nagbigay sa kanya ng posisyon sa pamahalaan.

Sa kabila nito, nanindigan si Von Al Haq na ang kanyang mga naging hakbang ay naaayon sa kanyang tungkulin at paninindigan bilang isang opisyal.

Nakatakdang isagawa ang kauna-unahang Parliamentary Election sa BARMM sa darating na Setyembre 14, 2026.