Dalawang grupo ng mga alkalde sa lalawigan ng Lanao del Sur ang nagpahayag ng suporta kay Kapatagan Mayor Raida Maglangit laban kay South Cotabato Governor at Partido Federal National President Reynaldo Tamayo Jr.

Sa manifesto na pinirmahan ng mga alkalde, sinabi nito na naniniwala silang totoo ang sinabi ng kanilang kasamahang alkalde kaugnay ng pagbabanta ni Tamayo na ipapa-audit ang mga alkalde na hindi susuporta sa United Bangsamoro Justice Party o UBJP.

Samantala, isa pang grupo ng mga alkalde na miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas sa Lanao del Sur ang nagpahayag ng suporta sa naturang gobernador at bumatikos sa paninira at pamumulitika ng Bangsamoro Grand Coalition o BGC.

Aniya, malinaw sa naging audio bite na kumakalat sa media na hindi tinakot ni Tamayo ang mga alkalde kundi pinayuhan at pinagsabihan ang mga ito na kung maganda ang kanilang pamamalakad ay ipapacheck ito ng palasyo para gawing modelo sa buong rehiyon.