Halos 100,000 miyembro at kumander ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang “arm forces” ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang nagtipon kahapon Setyembre 6, sa isang malaking Peace Rally bilang pagpapakita ng pagkakaisa at suporta sa pamunuan ng MILF.‎‎

Sa naturang pagtitipon, muling ipinahayag ang katapatan kay MILF-BIAF Chief of Staff at Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua at MILF Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, gayundin ang panawagan na pangalagaan ang mga nakamit ng usapang pangkapayapaan at tanggihan ang anumang pagkakawatak-watak.‎‎

Nagpasalamat si Macacua sa mga kasapi ng BIAF sa kanilang walang sawang pagtatalaga, at binigyang-diin na ang kanilang pagkakaisa ay hindi lamang pagpapatibay ng respeto sa pamunuan ng MILF, kundi higit na pagpapatatag sa sama-samang mithiin ng Bangsamoro para sa kapayapaan, sariling pamamahala, at katatagan.‎‎

Naganap ang pagtitipon sa gitna ng pagkaantala ng decommissioning ng mga dating mandirigma ng MILF sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB). Sa kabila nito, iginiit ni Macacua na nananatiling matatag ang Bangsamoro sa layuning gawing produktibong sibilyan ang mga dating mandirigma at itaguyod ang proseso ng kapayapaan sa pamamagitan ng demokratikong partisipasyon.

‎‎Ipinangako rin ng BIAF ang kanilang buong suporta para sa mapayapa, maayos, at tapat na 2025 Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE). Binigyang-diin ng mga lider na ang kanilang pagbabagong-anyo ay hindi lamang tungkol sa pagbaba ng armas, kundi pati na rin sa pagtanggap ng kanilang tungkulin bilang mga mamamayan at botante na nakatuon sa pangangalaga ng integridad ng halalan.