Nadiskubre ni Mayor Abdulmain Abas ang hindi tamang timbang at mababang kalidad ng bigas na nakalaan para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa isinagawang Redemption Day ngayong Setyembre 30, 2025 sa municipal covered court.

Sa isinagawang aktwal na inspeksyon, natuklasan ni Mayor Abas kasama si Councilor Sorab Lumanggal na imbes na 25 kilo ang laman ng bawat sako ng bigas, 21 kilo lamang ang aktwal na timbang. Tatlong sako ang personal na sinuri ng alkalde upang tiyakin ang sitwasyon.

Bukod pa rito, napansin din ang umano’y mababang klase ng bigas na nagkakahalaga ng ₱1,500 kada sako. Dahil dito, agad na inatasan ng lokal na pamahalaan ang supplier na palitan ang lahat ng bigas upang hindi malagay sa alanganin ang mga benepisyaryo ng programa.

Mariin ding binigyang-diin ni Mayor Abas na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng panloloko o kapabayaan na makaaapekto sa kanyang mga kababayan, lalo na’t nakalaan ang naturang tulong para sa mga pamilyang nangangailangan.

Via Municipal Information Office – Datu Odin Sinsuat