Matapos personal na madiskubre ni Mayor Abdulmain Abas ang kulang na timbang at mababang kalidad ng bigas para sa mga benepisyaryo ng “Walang Gutom Program” ngayong Setyembre 30 sa municipal covered court, agad na inaksyunan ng pamunuan ng programa sa Region XII ang isyu.

Kanina ring araw ng Redemption Day, dumating ang isang truck na kargado ng bagong bigas na may wastong timbang at mas mataas na kalidad bilang kapalit sa mga naunang inihatid ng supplier. Dahil dito, nagpatuloy nang maayos ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo.

Sa naunang inspeksyon, nadiskubre ni Mayor Abas, kasama si Councilor Sorab Lumanggal, na imbes na 25 kilo ang laman ng bawat sako, 21 kilo lamang ang aktwal na timbang. Tatlong sako ang kanyang mismong sinuri upang patunayan ang kakulangan.

Dahil dito, iginiit ng alkalde na hindi niya palalampasin ang anumang uri ng kapabayaan o panloloko lalo na’t nakalaan ang tulong para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo kay Mayor Abas dahil sa kanyang agarang aksyon at pagpapakita ng malasakit para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.