Nagpatupad ng emergency water service interruption ang Metro Cotabato Water District ngayong araw, April 10, 2026, dahilan para mawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa lungsod.

Ayon sa abiso, isinagawa ang pansamantalang paghinto ng operasyon ng Biniruan Bulk Water Supply Plant na pagmamay-ari at pinatatakbo ng Hanabana Construction and Equipment Corp.

Sinabi ng pamunuan na kinailangang ihinto ang operasyon ng planta dahil sa mataas na antas ng alat o salinity ng pinagkukunan ng tubig.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Barangay Rosary Heights 3, Rosary Heights 4, Rosary Heights 5, Poblacion MB, Poblacion 2, Poblacion 3, Poblacion 4, Tamontaka 2, Tamontaka 3, Tamontaka 4 at Tamontaka 5.

Tiniyak naman ng Hanabana Construction and Equipment Corp na agad nilang tinutugunan ang problema upang maibalik sa normal ang suplay ng tubig sa lalong madaling panahon.

Humihingi naman ng pang-unawa ang Metro Cotabato Water District sa mga apektadong residente habang inaayos ang nasabing isyu.